Skip to main content
Maunlad na Lipunan sa Hinaharap
Ang pag-unlad ng isang indibidwal ay nakadepende rin sa kalidad ng lipunang kanyang ginagalawan. Ang bawat lipunan ay naghahangad ng pag-unlad hindi lamang para sa benepisyo ng isang indibidwal kundi ay para sa benepisyo ng bawat isang indibidwal. Ayon kay Dr. Manuel Dy Jr., ang ating mga kakayahan ay nahuhubog sa paglipas ng panahon kasama ng ating lipunan. Sa makatuwid, ang isang tao ay hindi natututo at umuunlad dahil sa kanyang sarili lamang. Kinakailangan niya ang mga kaalamang makukuha bilang kasapi ng isang lipunan upang maging matagumpay sa pagkamit ng kanyang personal na mithiin.
Bawat lipunan ay naglalayong magkaroon ng produktibong mga kasapi at upang makamit ito, kinakailangan ang magkasamang kontribusyon ng namumuno at ng pinamumunuan. Ang isang mabuting pinuno ay may kakayahang isakatuparan ang kanyang mga plataporma upang itaguyod ang kanyang nasasakupan. Taon-taon ay parte ng National Budget ang Interval Revenue Allotment o IRA at nangangahulugan ito na talagang may budget na nakalaan sa bawat lokal. Bilang isang mabuting pinuno, marapat na alam niya ang kanyang tungkulin na pagsilbihan nang tapat at may kalidad ang kanyang nasasakupan. Kung ang bawat maliit na sektor ng lipunan ay may matatawag na totoong lider, hindi imposible na makamtan ng buong bansa ang hinahangad na kaunlaran. Ayon kay John Rawls, ang pantay na pagtingin para sa lahat ay marapat lamang para sa kapakinabangan ng bawat isa sa lipunan. Kung titimbanging maigi, hindi naman nakasalalay lamang sa namumuno ang maunlad na lipunan. Kinakailangan rin ang pakiki-isa at malasakit ng bawat kasapi nito. Ang bawat mamamayan ay may tungkuling maging isa pundasyon na magpapatibay sa isang lipunan sapagkat ang maayos na kaanyuan nito ay repleksyon ng bawat isang bumubuo dito.
Ang bawat miyembro ng isang lipunan ay may karapatang makamtan ang paggalang at pagpapahalaga mula sa kapwa tao. Ayon kay Joseph de Torre (1987) kinakailangang manaig ang pagmamahal at katarungan sa lahat ng pagkakataon. Nangangahulugan ito na ang bawat indibidwal ay may tungkuling kilalanin ang kanyang dignidad nang sa gayon ay matutuhan niya ring igalang at pahalagahan ang ibang tao. Upang maging matiwasay ang pamumuhay ng isang kasapi ng lipunan, kailangana niya rin ng kapanatagan ng loob at kasiguraduhan na siya ay ligtas sa anumang kapahamakan. Ang tiwala sa mga taong kanilang nakakasalamuha ay higit na mapapalawig kung sa paglipas ng panahon ay nakabubuo ng maayos na samahan ang bawat isa sa lipunan. Ang tiwala bilang haligi ng isang bayan ay matibay na pundasyon para sa agarang pag-unlad.
Sa paghubog ng isang maunlad na lipunan, hindi maiiwasan ang mga suliraning makakasalubong habang nasa paglalakbay. Isa sa mg suliraning ng lipunan y ang indibidwalismo. Hindi ito maiiiwasan lalo pa at wala namang may kakayahang kumontrol sa emosyon at pag-uugali ng bawat isa sa lipunan. May mga tao pa ring higit na ninanais ang pagkamit ng pansariling mithiin at hindi nasisiyahan na may ibang tao na nakikialam sa kanyang buhay. Sa pagkakataong ito, walang sino man ang may kayang pumigil sa ganitong uri ng pananaw ng isang tao. Para sa ikabubuti ng lahat, siguro ay matuto na lamang ang bawat isa na igalang ang anumang personal na pananaw at paniniwala ng ating kapwa.
Ikalawang suliranin naman ay ang mg proyektong hindi naman naisasaaksyon ng mga lokal. Upang umarangkada ang isang lipunan, dapat ay may sapat itong makina at gulong na may kakayahanng isakatuparan ang mga proyekto at plataporma para sa kabutihan ng lahat. Hindi maaaring husto lamang sa salita at pangako. Kailangang pangatawanan ng bawat isa ang tungkuling mag-ambag para sa pag-usad ng bayan.
Hatid ng sakripisyo ng bawat isa ay ang kabutihan ng iba. Sa makatuwid, ang bawat maliit na ambag mo sa lipunan ay maaaring maging malaking tulong kung isasama sa ambag naman ng iba. Kung ang lahat ay nakikiisa, makakamit ng lipunan ang matatamis na bunga ng malasakit ng bawat isa. Ang matiwasay na daloy ng lipunan ay indikasyon ng pagkakaroon ng seguridad ng mga mamamayan at mga serbisyong dekalidad at maaasahan. Kung ang mga mamamayan ay magkakaroon rin ng matibay na pundasyon ng edukasyon, magiging madali para sa lipunan ang pagkamit ng kaunlaran. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng pagkakataon ang bawat indibidwal na mahubog ang personal na kaisipan at kakayahan na magagamit upang paunlarin ang kanyang sarili. Ayon kay Santo Tomas Aquinas, makakamit ng tao ang layunin ng kanyang pagkakalikha sa pamamagitan ng lipunan. Magsisilibi rin itong sandata upang mabuksan ang mga oportunidad para sa lahat na makatutulong upang maunawaan nila ang esensya ng buhay at ng komunidad na kanilang ginagalawan.
"Walang sinumang tao ang maaaring mabuhay para sa kanyang sarili lamang" (Dy 1994). Bawat tao ay nabubuhay bilang bahagi ng lipunang kanyang kinabibilangan. Ang bawat parte ng ating pagkatao, maliit man o malaki ay nahuhubog sa pamamagitan ng lipunan. Sa makatuwid, ang lipunan ay hindi lamang naglalayon ng personal na kabutihan kundi ang kabutihang para sa lahat.
Comments
Post a Comment